Tuesday, January 8, 2008

Mayabong Mundo?

Magandang Araw!

Madalas gingamit ang salitang "mayabong" sa pagtukoy sa isang malagong halaman o kaya'y kapag hitik ito sa bunga. Nasa pinakamagandang kalagayan ng kalusugan ang isang halaman kapag inilarawan itong "mayabong." Berdeng-berde ang mga dahon, matibay ang katawan, malawak ang lilim - simbolo ito ng kasaganahan.

Maaaring ihalintulad ang mundo sa isang halaman, bagama't nalalanta ito sa kasalukuyan. Humaharap kasi ito sa sunod-sunod na kalamidad tulad ng nakapaninirang bagyo, lindol, madalas na pagbaha at marami pang iba. Ang mga matagal nang suliraning ito ng pamayanan ay higit na nakakaalarma ngayon dahil sa dalas ng pangyayari at pagkalala ng mga ito nitong nagdaang taon. Kung napanood ninyo ang pelikulang "An Inconvenient Truth," ipinakita dito ang ilang kaganapan gaya ng bagyong Katrina sa US na talagang nagwasak hindi lamang ng mga ari-arian, kundi pati buhay. Bukod pa dito, marami pang sumunod na kalamidad na nakapinsala sa pamumuhay at ekonomiya ng US. Sa Pilipinas naman, hindi makakalinutan ang pagguho ng tuktok ng bundok sa Barangay Guinsaugon, kung saan nalibing nito ang isang paaralan, kasama ang mga batang nag-aaral dito. Ilang isla narin ang unti-unting nawawala sa mapa ng mundo at madalas nang hindi tugma sa kalendaryo ang pagbabago sa panahon. Ang mga pangyayaring ito ay tiyak na nakakaapekto sa ating pamumuha at patuloy itong magaganap kung wala tayong gagawing pagbabago. Ang totoo'y isa itong sakit ng mundo, na ngayon ay nasa malubha nang kalagayan. Kung dati'y napapansin lamang ito ng mga eksperto sa agham, ngayo'y hindi na. Hindi na kailangan ng masusing pananaliksik para masabing matindi ng kaisa-isang planeta na maaaring bumuhay sa atin. . Ganunpaman, patuloy ang pagtatanggi ng mga politiko't karaniwang tao.

Kung bibisitahin ninyo ang http://www.bbc.co.uk/climate/, makikita ang pag-aaral tungkol sa climate change, na kunektado sa paglubha ng mga nabanggit na kalamidad at kung paanong sa kahit hindi natin malay na gawain, nakakadagdag tayo dito. Kung ikukumpara sa halaman, naninilaw ang mga dahon ng ating planeta at patuyo nang patuyo ang lupang pinagkukunan nito ng sustansya.

Buti na lang at may magagawa pa tayo! Kaya binuo ang blog na ito upang maging dagdag lunsaran ng usaping pangkalikasan, panghayop at iba pang talakayan kung saan maaaring gawing gabay sa pag-unlad.

Naway sa pagmumulat ng isipan, makahanap tayo ng pansarili at pampamayanang paraan para maibalik sa luntian at mayabong kalagayan ang planetang ito.

Salamat!

No comments: